Ikinagalak ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros ang pagkakaaresto ng kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang.
Ayon kay Hontiveros, ang development na ito ay nagpapakita lang ng malalim na koneksyon ng pamilya ng mga Yang sa POGO at sa Chinese criminal syndicates.
Una nang isiniwalat ng senador ang direktang transaksyon ni Hongjiang Yang sa Baofu Land Development, sa pamamagitan ng kanyang joint account sa Hongsheng incorporator na si Yu Zheng Can.
Ang Baofu ang may-ari ng lupang pinagtayuan ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Malabo aniyang nagkataon lang ang pagkakasangkot nina Tony at Michael (Hongjiang) Yang sa mga POGO dahil pareho ang corporate tactics na ginagawa nila para itago ang kanilang mga krimen.
Ipinunto pa ni Hontiveros na hindi lang sa mga POGO kundi maaaring mabalik sa Pharmally scam ang koneksyon ng mga Yang. | ulat ni Nimfa Asuncion