Binigyang-diin ni Valenzuela City Rep. Eric Martinez na siyang budget sponsor ng Philippine Sports Commission na malaking bahagi ng 2025 budget ng ahensya ay sa hangaring tagumpay ng mga Pilipinong manlalaro.
Sa isinagawang plenary deliberation sa P725 milyong proposed 2025 budget, sinabi ni Martinez na kabilang sa “formula for success” ang pondo para sa mga atleta.
Pinatunayan ito ng mga nag-uwi ng medalya sa katatapos lamang na Paris Olympics.
“Worth it ” aniya ang P170 milyong nagastos sa Paris Olympics kaya aniya kailangan ng sapat na pondo para sa mas maraming tagumpay.
Sa interpelasyon ni OFW party-list Rep. Marissa Del Mar Magsino, bumababa ang total appropriations ng PSC simula 2023.
Maliban sa P725 milyon na budget allocation, maaari rin gamitin ng PSC ang pondo ng National Sports Development Fund na siyang nakasaad sa batas ng ahensya. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes