Natukalsan na nagkaroon ng paglabag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pagkuha sa AllCard Inc. sa pag-iimprenta ng Philippine National Identification (National ID) cards.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng NEDA, kinumpirma ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief Dennis Mapa na sa memorandum of agreement na pinirmahan nila ay bawal kumuha ang BSP ng ibang service provider sa pag-iimprenta ng national ID cards.
Nagulat rin aniya ang PSA na kumuha pa ang BSP ng ibang mag-iimprenta ng National ID card gayong may printing capability naman ang BSP.
Ayon kay Mapa, noong March 2023 ay sumulat na sila sa BSP para itigil na ang kanilang kontrata hanggang sa 55 million na printed ID.
Ito ay para aniya mabigyan ang PSA ng panahon na makakuha ng bagong service provider at mapunan ang kulang pang physical national ID cards.
Sa ngayon, nasa P1.4 billion pesos na aniya ang nababayad ng PSA sa BSP para sa 55.5 million printed national ID.
Sa pinakahuling datos, nasa 90 million na ang nagparehistro para sa national ID kaya may halos 35 million pang balanse sa mga national ID cards.
Inatasan naman ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe ang Commission on Audit (COA) na magsumite ng report kung ano ang pananagutan at dapat gawin ng BSP o PSA kaugnay ng violation na ito sa kasunduan ng dalawang ahensya.
Kabilang na dito kung kinakailangan bang ibalik ng BSP ang perang ibinayad ng PSA para sa printing ng mga ID.| ulat ni Nimfa Asuncion