Nanawagan si Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan para sa agarang pagpasa ng House Bill 2162 o panukala na magbibigay mandato sa mga LGU na maglaan ng pondo para sa pagpapalakas ng mga kooperatiba.
Naniniwala si Yamsuan na sa pamamagitan nito ay mapapalago ang mga komunidad dahil makatutulong ang mga kooperatiba sa paglikha ng mapapasukang trahaho, makapagpapalakas sa lokal na ekonomiya, at makababawas sa kahirapan sa bansa.
“Cooperatives can have a significant impact in reducing poverty in our communities. Unlike a for-profit business where a substantial portion of its earnings go to paying the large salaries of its investors, and only a fraction is re-invested to keep the business going, a cooperative invests the money it earns back to the coop and the community it serves” ani Yamsuan.
“Kapag ginastos ng may-ari ng isang for-profit enterprise ang kanyang kita, malamang ay lalabas ang pera sa komunidad na kung saan siya nagnenegosyo. Pero sa kooperatiba, malaking bahagi ang bumabalik din sa komunidad na pinagsisilbihan nito kaya’t ang mga miyembro ng coop at ang mga komunidad ang nakikinabang,” dagdag ng mambabatas.
Sakaling maisabatas, bubuo ng isang Local Cooperatives Development Fund (LCDF) na pamamahalaan ng provincial, city at municipal LGU.
Kukunin naman nag pondo mula sa 2% ng kabuuang budget na nakukuha ng LGU mula sa National Tax Allotment (NTA).
Para sa mga 4th to 6th income classifications, maaari silang maglaan muna ng hindi bababa sa 2% ng kanilang pondo para sa local development projects.
Ngunit kailangan pa rin nilang maisakatuparan ang mandato ng batas sa susunod na limang taon.
“Our proposed measure will empower CDOs to effectively fulfill their duties and responsibilities. Kahit may CDO ka sa bawat LGU kung wala namang pondo para matulungan ang paglago ng mga coops, hindi rin matutupad ang hangarin ng batas na mapalakas ang cooperative movement sa bansa para ito ay maging isang mabisang instrumento sa pagpapasigla ng ekonomiya at paglikha ng maraming trabaho,” diin ng mambabatas.
Batay sa datos ng Cooperative Development Authority noong 2023 ay mayroong 12.4 million miyembro ang 20,752 kooperatiba sa bansa na may kabuuang asset na P719.3 billion. | ulat ni Kathleen Forbes