Pabor si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang ilipat ang National Irrigation Administration (NIA) sa Office of the President (OP) mula sa Department of Agriculture (DA).
Tinawag ng Kalihim ang paglilipat na isang “strategic move”para sa pagsasakatuparan ng isang moderno at mas produktibong farm sector.
Sinabi ni Tiu Laurel na ang paglipat ng NIA sa OP ay tutugon sa kagya’t na pangangailangan para sa malaking pondo upang patubigan ang humigit-kumulang 1.2 milyong ektarya ng lupa.
Ang inisyatibang ito ay inaasahang magpapahusay sa produksyon ng pagkain, partikular na ang bigas at magpapalakas ng food security ng bansa.
Nauna nang iminungkahi ng DA ang ₱512 billion na budget para sa 2025 na kinabibilangan ng mas mataas na budget upang i-bankroll ang higit pang mga proyekto sa patubig.
Gayunpaman, ang panukalang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) at isinumite sa Kongreso ay para sa reduced amount na ₱200.2-bilyon. | ulat ni Rey Ferrer