Planong singilin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa si PAGCOR senior vice president for security Raul Villanueva tungkol sa pangalan ng sinasabi nitong ex-PNP chief na nasa monthly payola ng mga POGO.
Para kay Dela Rosa, na isang dating PNP chief, mali ang ginawa ni Villanueva na ilabas ang isang intel report na hindi pa beripikado at wala pang ebidensya.
Sinabi ng senador na dapat klaruhin ni Villanueva ang inilabas nitong impormasyon lalo’t maaaring makaapekto ang ganitong report sa morale ng mga pulis.
Binahagi rin ni Dela Rosa na mula nang lumabas ang impormasyon na ito sa pagdinig ng Senado kahapon ay may mga dating PNP chief na nagpahayag na rin ng kanilang mga concern.
Sa group chat aniya nilang mga dating naging hepe ng PNP ay nagpahayag ng pagkabahala ang mga dating PNP chief na maaaring madamay sila at masira rin ang kanilang pangalan kung hindi tutukuyin ni Villanueva ang pagkakakilanlan sa sinasabi nitong nasa POGO payola.| ulat ni Nimfa Asuncion