Testamento sa commitment ng Marcos Jr. administration na maisulong ang kalidad na edukasyon sa mga kabataang Pilipino ang pagpapatayo sa apat na palapag na Bauan Integrated Technical High School (BITHS).
Ito ang tinuran ni Speaker Martin Romualdez kasabay ng pagpapasinaya sa naturang paaralan na may 20 silid-aralan.
Aniya, ipinapakita nito ang pagpapahalaga ng ating pamahalaan sa mga kabataan sa Batangas, mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hanggang sa mga kinatawan ng Kongreso at tagapamahala ng Department of Education.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Speaker Romualdez na nakikipag-ugnayan na siya kay House Appropriations Chairperson Elizaldy Co sa posibilidad ng pagkakaroon ng dalawa pang gusali para sa BITH upang mas marami pang mag-aaral ang makapasok.
“Sa pagtatapos ng gusaling ito, mas maraming kabataan ang magkakaroon ng mas maayos at komportableng lugar upang mag-aral at maghanda para sa kanilang mga pangarap. Hindi lamang ito gusali, kundi isa itong daan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” saad ni Romualdez.
Giit ng lider ng Kamara, sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bagong gusali na ito ay matugunan ng administrasyon ang overcrowded classrooms, mapagbuti ang learning conditions at magkaroon ng modernong mga pasilidad para sa mga mag-aaral.
Nangako rin ang House Speaker na patuloy na susuportahan ng Kongreso ang mga programa ng pamahalaan para sa edukasyon.
“Kami ay kaagapay ng ating Pangulo sa pagsisigurong maayos na nagagamit ang pondo ng bayan para sa mga proyektong tulad nito. Malaki ang ambag na ito sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga lider at propesyonal,” aniya.
Kasama ng House leader na sumaksi sa pagpapasinaya si Batangas Rep. Jerville Luistro, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., at mga miyembro ng Quad Committee na sina Reps. Robert Ace Barbers, Joseph Stephen Paduano, Johnny Pimentel, Romeo Acop, Dan Fernandez, Jonathan Keith Flores, at Ramon Rodrigo Gutierrez.| ulat ni Kathleen Forbes