Muling nanawagan si Rizal 4th District Representative Fidel Nograles na aksyunan at pagtibayin na ang kaniyang inihaing panukala para bumuo ng isang konseho, na mamamahala at mangangalaga sa 500-kilometer-long Sierra Madre Mountain range.
Ito ay matapos mapuna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang napakalawak na deforestation ng Sierra Madre, kasunod ng isinagawang aerial inspection sa Marikina at Antipolo matapos manalasa ang bagyong Enteng.
Kaya naman umaasa si Nograles na sana’y magsilbi itong wakeup call para sa Kongreso na ipasa na ang panukala na bubuo ng Sierra Madre Development Authority (SMDA).
“I hope that the President’s recent statement about Sierra Madre’s deforestation will serve as a nudge in the right direction for us in Congress to prioritize the creation of the Sierra Madre Development Authority (SMDA). This bill is a much-needed intervention as it seems that every typhoon that enters Luzon leaves us reeling and helpless,” ani Nograles.
Kasalukuyan pa ring tinatalakay sa House Committee on Government Enterprises and Privatization ang House Bill 1972.
Naniniwala ang Rizal solon na makakatulong ito para maagapan ang epekto ng climate change at maiwasan ang pagbaha at pagguho ng lupa tuwing panahon ng tag-ulan.
Ngunit paalala ng mamababatas, kailangan pa rin ng flood control masterplan at mas maayos na solid waste management at land-use planning bilang pangmatagalang solusyon.
Tinukoy pa ni Nograles, na kailangan ng kagyat na pagtugon sa pagbaha dahil batay sa pag-aaral ng Asian Development Bank, mayorya ng lugar sa Pilipinas ay nakakaranas ng water stress.
Ang Metro Manila ang pangunahing nakakaranas ng water stress, na sinundan ng Luzon na may 76 percent, Mindanao na may 75 percent, at 71 percent naman sa Visayas.
Lumalabas din sa naturang geographic mapping na halos two-thirds ng mahihirap na komunidad sa Pilipinas ang lantad sa medium-to-high risk ng water stress. | ulat ni Kathleen Forbes