Malugod na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapawalang-bisa ng Court of Appeals sa inisyu na Protection Order ng Davao Regional Trial Court laban sa operasyon ng mga pulis sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, ibinasura ng 22nd Division ng Court of Appeals ang Writ of Amparo na ipinagkaloob ng korte sa KOJC laban sa PNP dahil walang awtoridad ang RTC Branch 15 ng Davao na mag-isyu nito.
Kaugnay ito ng pagpapatigil ng Davao RTC sa pagharang ng PNP sa mga lagusan ng KOJC compound sa kanilang isinasagawang paghahanap kay Pastor Apollo Quiboloy.
Paalala ng Court of Appeals, walang hurisdiksyon ang Davao RTC dahil inilipat na ng Korte Suprema ang lahat ng kaso laban kay Quiboloy mula sa Davao City patungo sa Quezon City RTC, upang hindi maimpluwensyahan ang resulta ng mga ito.
Dagdag ng Court of Appeals, ang petisyon para sa Writ of Amparo ay may kaugnayan sa mga unang kaso dahil ito ay laban sa pagpapatupad ng PNP ng Arrest Order para sa mga kasong ito. | ulat ni Leo Sarne