Kasalukuyan nang kinakausap ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang testigo na humarap sa Quad Committee na may alam ukol sa pagpapapatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Ito ayon kay Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers.
Aniya, tinitingnan na ng DOJ ang partisipasyon nina Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza at kaniyang civilian anti-drug “asset” na si Nelson Mariano, at kung sia ay magiging eligible para sa witness protection program.
Ngunit ani Barbers, kailangan muna na masampahan sila ng kaso at matukoy kung sila ba ay least guilty sa kaso.
“in-interview ng DOJ tinitingnan ang kanilang participation sa crime na nangyari at kung sila ba eligible na maging under the witness protection program. Pero sa aking pagkakaintindi kailangan sila kasuhan muna, i-charge muna sila before the court…So if this is the case, siguro dyan sila pwede maging eligible sa witness protection program kasi ang basihan dapat ikaw ang pinaka-least guilty.” ani Barbers
Sabi ng mambabatas, na dahil nautusan si Mendoza ay sumunod lamang siya sa kaniyang upper classman maaari ito ikonsidera na conspiracy to commit murder.
“In this case, it seems to me, sa akin, sa inutusan ng upperclassmen, sa sumunod sa orders ng senior officer, pinatupad niya ito, kaya nangyari ang incidenteng pagpatay…Silang dalawa ni Mariano. Kasi sila ang may participation sa pagplano sa pagpatay. Ang elemento ng murder dapat may premeditation. So dahil plano nila yan, kasama sila dyan sila ay conspiracy to commit murder. Yan kanilang pwede sigurong ikaso sa kanila.” dagdag ng mambabatas.
Matatandaan na sa huling Quad Comm hearing, inirekomenda ni Batangas Rep. Gerville Luistro ma maisama sa WPP ang dalawa para na rin sa kanilang proteksyon at patuloy na matulungan ang pagresobla sa kaso.
“kung makita ng ating korte o makita ng ating Department of Justice na dapat silang mabigyan ng programa under the witness protection program, siguro base na lang yan sa pag-aaral ng ating DOJ.” sabi pa ni Barbers. | ulat ni Kathleen Forbes