Bahagi ng pang-kabuuang operasyon ng Philippine National Police (PNP) ang pag-tap sa ilang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa ganap na pagkakaaresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Tugon ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang tanungin kung ano ang partisipasyon ng AFP sa kasong ito, at bakit sa AFP personnel sumuko ang pastor.
Sa media interview sa Taguig City, ipinaliwanag ng Pangulo na PNP-led operation ang pag-aresto kay Quiboloy, at mahigpit ang ginagawa nitong pakikipag-ugnayan sa intel services, Armed Forces of the Philippines (AFP), at maging sa civilian intel services.
“It was a police operation. Kung anuman ang involvement ng AFP diyan ay, as I said, augmentation. As you can imagine all through these past months na, all the intelligence services were involved. Both in the police, both in the AFP, even our civilian intelligence services kasama lahat ‘yan para malaman natin ano ‘yung dapat nating gawin and what are the movements that can be attributed to Apollo Quiboloy, Mr. Quiboloy.” -Pangulong Marcos Jr.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit AFP personnel ang humahalili sa PNP noong nakailang linggo na sila sa KOJC compound, ngunit hindi pa rin naaaresto si Quiboloy.
“At 3:40 in the afternoon of yesterday, lumipad na ‘yung C-130 papuntang Davao para susunduin na siya. And that is exactly what happened. Pagbaba ng C-130 sa Davao Airport, pinuntahan na nila ang compound at natuloy na ‘yung kanyang pag-exchange. Dinala siya, sinakay siya sa C-130 para dalhin dito sa Maynila dahil kailangan ang unang naging kaso niya ay Pasig. So, doon muna siya haharap.” -Pangulong Marcos
Sabi ng Pangulo, noong nakatanggap ulit sila ng tip na lulutang na si Quiboloy ngunit nakiusap na mayroong presensya ng AFP, pumayag na aniya sila upang magtuloy-tuloy o makausad na ang kasong ito.
“We got another message from our contacts na sinasabi handa na raw siya mag-surrender. Sinabi namin, “very good.” Wala ng conditions, wala na ‘yung mga conditions na dati inilalagay. So, sabi namin, “fine, fine.” Pero sabi niya sana may presence ng AFP dahil wala daw siyang tiwala sa pulis. So, fine iyon ang ginawa namin.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan