Inaaral na ngayon ng Department of Budget and Management (DBM) ang posibleng pagpapatupad ng umento sa kasalukuyang Personnel Economic Relief Allowance o PERA.
Sa interpelasyon ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa pagsalang ng 2025 General Appropriations Bill sa plenaryo, tinukoy niya na mula 1991, inabot ng 18 taon bago madagdagan ang ₱500 na PERA para maging ₱2,000 sa kasalukuyan.
Kaya naman hirit ng mambabatas, panahon nang dagdagan muli ito para maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga manggagawa sa gobyerno.
Tugon ni Marikina Representative Stella Quimbo, budget sponsor, tinitignan na ng DBM ang pagpapatupad ng ₱500 na dagdag PERA simula 2026 hanggang 2028.
Ibig sabihin, kung maisakatuparan, magiging ₱3,500 na ang PERA sa pagtatapos ng termino ng administrasyon.
Gayunman, hamon ang pagpopondo dito dahil kada taon ay manggagailangan ng ₱11.143 billion para dito.
“So yun po, beginning 2026 until 2028, magkaroon sana ng ₱500 increase per year. So ibig sabihin, 2026 magiging ₱2,500 per month. Pagdating ng 2027, P3,000 per month. Pagdating ng 2028, ₱3,500 per month. So yun po sana ang pinag-aaralan nila kung kakayanin natin. Dahil malaki-laki po ang kakailanganing pondo, ang requirement po is ₱11.143 billion annually,” sabi ni Quimbo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes