Nagdesisyon ang Kamara na iurong ang Plenary deliberation para sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) ngayong araw, September 24.
Sa mosyon ni Deputy Majority Leader Marlyn Primicias-Agabas, inilipat ang schedule ng OVP ngayong Martes.
Aniya, natapos na ng Kamara ang agenda para sa araw ng Lunes, September 23, maliban sa budget ng OVP.
Wala aniyang tao sa itinalagang holding room ng OVP at wala ring sulat ng paliwanag na natanggap ang Appropriations Committee hinggil sa kanilang pagliban.
Tinukoy din ni Agabas na ilang minuto bago ang dapat na pagsalang ng OVP budget sa Plenaryo nitong Lunes ay dumating ang head ng Legal Department ng OVP kasama ang dalawang iba pa, ngunit wala naman silang written communication na magbibigay awtorisasyon sa kanila para humarap salig sa panuntunan ng Kongreso.
Dahil dito, isasama na lang sa schedule ngayong araw ang pagtalakay sa budget ng OVP kasabay ng Office of the President, Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), Department of Education (DepEd), Department of Transportation (DOTr), at Department of Environment and Natural Resources (DENR). | ulat ni Kathleen Jean Forbes