Kinuwestyon ni Quad Committee Chair Dan Fernandez ang desisyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na italaga sa mga posisyon sa ahensya ang mga kamag-anak kabilang ang kaniyang anak.
Sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng Quad Comm, napaamin ni Fernandez si Garma na nagtalaga nga ito ng mga kamag-anak sa PCSO.
Kabilang dito ang kaniyang anak bilang confidential agent.
Bagay na kinuwestyon ni Fernandez lalo na at kabilang sa kwalipikasyon ang pagkakaroon ng degree sa criminal justice at law enforcement experience, bagay na wala ang kaniyang anak.
Itinalaga rin ni Garma ang pinsan na si Marie Sejorales bilang nurse, sister-in-law na si Doris Garma sa admin division, first cousin na si Howard Mansan bilang IT consultant.
Nagsilbi namang security detail niya ang first cousin din na nagngangalang Junjun Ubales.
Depensa naman ni Garma, na ang appointment sa mga posisyong ito ay nakabatay sa aniya sa ‘trust and confidence.’
Maliban dito, naisiwalat din ang pagbibigay ng donasyon ng PCSO sa STL Party-list o Samahan ng Totoong Larong may Puso at STL Foundation na nagkakahalaga ng P2 million kung saan kasama sa mga nominee ang asawa ng ilan sa mga security detail na pulis ni Garma at ilan pang kamag-anak. | ulat ni Kathleen Forbes