Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ‘on top of the situation ang pamahalaan, sa gitna ng mga pag-ulan, malalakas na hangin, at pagbaha na dala ng bagyong Enteng.
Ayon sa Pangulo, lahat ng kinauukulang tanggapan ng pamahalaan ay mahigpit na naka-monitor sa galaw ng bagyong Enteng habang ang mga local government unit (LGU) ay nakatutok rin sa pagdi-desisyon kaugnay sa kanilang nasasakupan.
“So, we are watching it. Ang tinitingnan lang natin sa eskwela, siyempre iba. The LGUs also make – iba-iba — the LGUs make their own decision with that except if there is a region-wide assessment na hindi pwedeng pumasok,” -Pangulong Marcos Jr.
Nakabantay rin aniya ang pamahalaan sa dadaanan ng mga empleyado, o kung makakapasok o makakauwi ang mga ito sa gitna ng sama ng panahon.
“Sa trabaho naman, ang tinitingnan lang namin ay kung makapunta ‘yung mga empleyado natin, makapasok, at makauwi. Importante makauwi kasi ‘pag mahirap ‘pag ma-stranded sila doon sa kanilang pinag-tatrabahuhan. So, that’s what we are watching now,” -Pangulong Marcos.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, handa ang pamahalaan sa ano mang iiwan ng bagyong Enteng, lalo’t naka-stand by na ang mga kagamitan, assistance, at resources para sa mga residenteng apektado ng bagyo.
“As usual, nag-forward placement na tayo ng mga pangangailangan. We will just have to wait for the weather to see what it will do. Hopefully, umiwas sa atin. But even if it does not, we have all the elements in place to support our people na magiging – mahihirapan dahil nga dito sa naging Bagyong Enteng,” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan