Naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na ang pamumuhunan ng gobyerno sa mga transport infrastructure project ay magiging susi sa pagpapalakas ng turismo at ekonomiya ng bansa.
Ito ang ibinahagi ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng Quezon City Travel Agencies Association.
Binigyang-diin ni Sec. Bautista, na ang sektor ng transportasyon ay may mahalagang papel sa pagpapalago ng ekonomiya sa pamamagitan ng maayos na paghahatid ng mga produkto at serbisyo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang mga proyektong ito aniya ay hindi lamang magbubukas ng maraming trabaho at oportunidad sa kabuhayan, kung hindi magpapasigla rin ng ekonomiya sa mga lugar na pagtatayuan ng mga proyekto.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong isinusulong ng DOTr ay ang pagsasaayos ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), modernisasyon ng mga paliparan sa mga rehiyon, konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project, Metro Manila Subway, MRT-7, at iba pa. | ulat ni Diane Lear