Maghahain ng panibagong mosyon ngayong umaga ang Department of National Defense (DND) sa Quezon City Regional Trial Court para tutulan ang paglipat ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito’y kasunod ng unang mosyon na inihain ng DND sa Pasig Regional Trial Court (RTC) noong Martes, kontra sa petisyon ng kampo ni Quiboloy na ilipat ng piitan ang kontrobersyal na pastor sa Camp Aguinaldo.
Nakatakdang magtungo ngayong 9:30 ng umaga sa Quezon City Hall of Justice si DND Assistant Secretary and Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence Dy para i-file ang mosyon.
Una nang sinabi ni Asec. Dy na hindi miyembro ng militar si Quiboloy at wala siyang hinaharap na kaso sa General Court Martial kaya’t walang pangangailangan para ipiit siya sa Kampo Aguinaldo.
Samantala, una na ring sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na gagalangin naman ng AFP kung ano man ang maging desisyon ng Korte sa naturang usapin. | ulat ni Leo Sarne