Muling ipinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) sa 2025 ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang hindi susunod sa mga patakaran sa expressways sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lugar, kabilang ang pag-install at tamang pag-load ng RFID.
Ayon kay Transportation Sectretary Jaime Baustista, mayroong mga tool ang DOTr upang matugunan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing kalsada at kinakailangan muna aniya nilang masusing pag-aralan ang bagong patakaran upang matiyak na ito ay alinsunod sa pangangailangan ng mga motorista.
Ani Baustista, ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang lalabag sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 o ang Revised Guidelines for All Vehicles on Toll Expressways ay maaaring ipatupad sa Enero ng susunod na taon.
Nabatid na nakatakda sanang ipatupad ang revised toll guidelines noong August 31 pero ito ay iniurong sa October 1.
Dagdag pa ng DOTr na pag-aaralan din nila ang mga impormasyon mula sa mga public consultation kasama ang mga datos ng mga lumabag para sa posibleng pag-amyenda sa nasabing revised toll guidelines. | ulat ni Diane Lear