Nakalusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang maggagawad ng 25-year franchise para sa Manila Electric Company (MERALCO).
Ang House Bill 10926 ay mula sa tatlong panukala na pinag-isa para bigyan ng panibagong prangkisa ang MERALCO.
Ang kasalukuyan nitong prangkisa ay nakatakdang mapaso sa 2028.
Bilang isa sa pangunahing author at sponsor ng panukala, sinabi ni Albay Representative Joey Salceda, na malinaw namang nakatalima at natupad ng MERALCO ang mga mandato nito na nakasaad sa kanilang prangkisa, kaya naman marapat lang na mabigyan ito ng franchise renewal.
Kabilang dito ang least cost mandate, efficiency mandate, reasonable price mandate, open at non-discriminatory access mandate, kasama ang anti-market abuse mandate.
Kinilala naman ni House Committee on Legislative Franchises Chair Gus Tambunting ang MERALCO sa pagiging customer-friendly firm, pati na ang mga hakbang nito na bahagi ng kanilang corporate social responsibility.
“In its customer empowerment efforts, Meralco offers various platforms for addressing electric services, including a mobile app and website, allowing customers to apply for service, track application, report outages, and make inquiries,” saad niya.
“Meralco has consistently provided aid to areas outside its franchise affected by natural disasters, sharing expertise and resources with other distribution utilities.” sabi pa ni Tambunting
Dahil naman dito, maaari na pagbotohan sa ikatlong pag-basa ang panukala oras na magbalik sesyon ng kongreso sa November 4. | ulat ni Kathleen Forbes