Wala pang 10 minuto ay nakalusot na sa Senate Finance Committee ang panukalang 2025 budget ng Office of the President (OP).
Nasa P10.56 billion ang hinihiling na pondo ng OP para sa susunod na taon.
Mas mababa ito ng 1.88% kumpara sa kasalukuyang pondo ng opisina.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, bagama’t bumaba ang panukalang pondo ng OP ay sapat naman ito para magampanan ang trabaho ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasama na dito ang pagtugon ni Pangulong Marcos Jr. sa mga imbitasyon sa ibang bansa.
Hindi naman aniya makakaapekto ang pagbaba ng kanilang pondo sa pagbibigay serbisyo nila sa publiko.
Matapos ang opening statement ni Bersamin ay agad namang nagmosyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ipasa na agad ang panukalang pondo ng OP bilang pagsunod aniya sa inter-parliamentary courtesy.
Sinang-ayunan naman ito ni Senadora Nancy Binay.
Nagpasalamat naman si Senate Committee On Finance Chairperson Senadora Grace Poe sa OP dahil sa mga programa nito, lalo na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa mga napagtagumpayan nito sa mga nakalipas na buwan.
Kabilang na ang mga raid sa mga POGO hub.
Gayundin ang pagtatatag ng bagong Presidential Office for Child Protection. | ulat ni Nimfa Asuncion