Niratipikahan na ng Senado ang Bicameral Conference Committee Report tungkol sa panukalang amyenda sa Rice Tarrification Law.
Sa ilalim ng reconciled version ng Senate Bill 2779 at House Bill 10381, layong amyendahan ang probisyon tungkol sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para mapalawig ito hanggang taong 2031 at pagpapataas ng taunang appropriations dito sa ₱30 billion.
Sa orihinal na RTL, hanggang 2024 o ngayong taon lang dapat ang RCEF at hanggang ₱10 billion lang ang pondong inilalaan dito taon-taon.
Isinusulong din ng panukala na mapalakas ang regulatory functions ng Department of Agriculture (DA) – Bureau of Plant Industry (BPI) gayundin ang palakasin ang kapangyarihan ng DA secretary na tugunan ang deklarasyon ng rice food shortage at kakaibang pagtaas ng presyo ng bigas.
Nakasaad dito na maaaring mag-angkat ang DA kapag walang available na bigas locally at magtalaga ng isang importing authority maliban sa National Food Authority (NFA).
Pwede ring ipagbawal ng Pangulo ng Pilipinas ang dagdag pang importasyon o limitahan ang volume ng aangkatin kung magkakaroon na ng sobra-sobrang suplay ng imported at lokal na bigas sa merkado
Sertipikadong urgent bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion