Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na maisasabatas na ngayong 19th Congress ang panukalang batas na lilikha ng Department of Water Resources.
Ayon kay Escudero, kabilang ito sa mga napag-usapan at napagkasunduan sa ginanap na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ipinaliwanag ni Escudero, na hindi naman salungat sa isinusulong na rightsizing ng Marcos Administration ang panukalang ito.
Katunayan aniya ay taliwas sa sinasabing dagdag burukrasya ito ay pagsasama-samahin sa ipinapanukalang departamento ang mga trabaho at kapangyarihan ng mga ahensya, at opisina ng gobyerno na sa ngayon ay nangangasiwa o may kaugnayan sa tubig.
Sa kasalukuyan kasi ay may water agencies sa ilalim ng Office of the President, Department of Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga lokal na pamahalaan.
Aprubado na sa Kamara ang panukalang Department of Water.
Sa bahagi naman ng Senado, nasa period of interpellation na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion