Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers (Senate Bill 2838).
Layon ng naturang panukala na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga BHW sa buong Pilipinas.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senador JV Ejercito, ang panukalang ito ay magsisilbing pagkilala sa pagseserbisyo nila sa publiko.
Sa ilalim ng panukala ay bibigyang depinisyon ang gampanin ng isang BHW sa pamamagitan ng pagtukoy ng parameter ng kanilang papel sa pagbibigay ng primary health care sa kanilang mga komunidad.
Ayon kay Ejercito, sa pamamagitan nito ay maproprotektahan ang mga BHW sa pagganap ng mga trabahong lagpas na sa kanilang tungkulin at gampanin.
Itinatakda rin ng panukalang ito ang registration sa local health board ng bayan o lungsod kung saan nais maglingkod ng isang interesadong maging BHW.
Magkakaroon din ng orientation at training mula sa DOH para matiyak na kwalipikado at physically at mentally fit ang bawat BHW.
Ang isinusulong na national BHW information system, na magsisilbing masterlist ng lahat ng mga BHW ay bubuuin sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Nakasaad din ang pagbubuo ng position classification para makapagtakda ng karampatang salary grade para sa mga BHW. | ulat ni Nimfa Asuncion