Napirmahan bilang batas ngayong araw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers (Senate Bill 2221 at House Bill 7325).
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, matapos ang higit isang dekadang paghihintay ay magiging batas na ang panukalang layong siguruhing walang mapapabayaan na Pinoy seafarer kapag may nangyari sa kanila habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Minamandato ng panukala ang pagkakaroon ng standard employment contract sa pagitan ng mga ship owner at Pinoy seafarer; pagbibigay ng walong oras sa isang araw na working hours at isang araw na rest day kada linggo; at paid annual leaves.
Kabilang pa sa mga binibigyang-diin dito ang kanilang right to self-organization at collective bargaining; karapatan sa educational advancement at training sa resonable at abot-kayang halaga; right to information ng mga kaanak o mahal sa buhay ng isang seafarer; at right against discrimination.
Itinatakda rin nito ang karapatan nila sa konsultasyon, libreng legal representation, agarang medical attention, access sa komunikasyon, record of employment o certificate of employment, at patas na pagtrato kung magkaroon ng maritime accident.
Bukod sa kanilang karapatan, nakasaad din sa panukala ang tungkulin ng isang seafarer at may nakatakda ring parusa sa mga recruiter na mang-aabuso sa kanila.
Sinabi ni Escudero, tulad ng mga karaniwang empleyado ng isang kumpanya, nararapat ding bigyang linaw at mahigpit na ipatupad ang mga karapatan ng bawat isang manlalayag, kapitan man sila o deck hand.
Giit ng Senate leader, nasa kalahating milyong Pilipinong manlalayag ang makikinabang sa batas na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion