Nakatakda nang mapirmahan bilang isang ganap na batas ang Value-Added Tax (VAT) on Digital Transactions Bill sa October 2.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ang panukalang ito ay layong patawan ng 12 percent VAT ang mga transaksyon na ginagawa online.
Layunin aniya ng panukala na gawing patas ang playing field para sa mga local at foreign digital service providers.
Paliwanag kasi ni Escudero, lahat ng mga negosyo sa bansa, malaki man o maliit, ay nagbabayad ng buwis at hindi aniya makatarungan na ang mga malalaking negosyanteng hindi nakabase sa Pilipinas ay kumikita sa pagbebenta ng kanilang serbisyo sa mga Pilipino pero hindi sila napapatawan ng buwis.
Pinunto ng Senate president na ginagawa na ng ibang bansa ang ganitong pagpapataw ng buwis sa mga digital services at transactions.
Batay sa pagtaya ng Department of Finance, aabot ng ₱80-billion ang revenue na makukuha ng pamahalaan mula 2025-2028 kapag naisabatas ito.
Kabilang sa mga sakop ng VAT on Digital Transactions Bill ang mga streaming sites gaya ng Netflix at Disney Plus; at online shopping sites gaya ng Shein, Temu, at Amazon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion