Sa botong 22 na senador ang pabor, walang tutol at walang nag-abstain, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong imandato ang pagpapatayo ng evacuation centers sa bawat siyudad at munisipalidad sa Pilipinas (Senate Bill 2452).
Giit ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense chairperson Senador Jinggoy Estrada, bilang nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na pinakamalapit sa banta ng natural disasters, kailangan pagtibayin ang isang batas na makakatulong sa mga Pilipino na makaagapay sa mga dadaang kalamidad.
Sinabi ni Estrada na ang mga itatatag na Ligtas Pinoy Centers ay magsisilbing ligtas na matutuluyan ng mga Pilipinong maaapektuhan ng mga kalamidad o anumang emergencies.
Ididisenyo aniya ang mga evacuation center na ito para matugunan ang espesyal na pangangailangan ng mga matatanda, persons with disabilities at mga kabataan.
Dapat din na ang mga itatayong Ligtas Pinoy Centers ay nasa lokasyong ligtas mula sa anumang danger area; dapat makayanan ang lakas ng hanging hanggang 300 kilometers per hour at ang hanggang 8.0 magnitude na lindol.
Umaasa rin ang Senador na sa pamamagitan ng panukalang ito ay masosolusyunan na ang problema sa pagkaantala ng pagkatuto ng mga estudyante dahil maiiwasan nang gamitin ang mga silid-aralan bilang temporary evacuation centers kapag may bagyo, lindol o baha. | ulat ni Nimfa Asuncion