Inirekomena ng House Committee on Appropriations ang pagbabawas sa panukalang budget ng Office of the Vice President para sa taong 2025.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo senior vice-chair ng Komite, mula sa orihinal na rekomendasyon sa ilalim ng National Expenditure Program na P2.026 billion ay magiging P733 million 198 thousand na ito.
Ang binawas naman na P1.293 billion ay mula sa supplies, personnel services para sa consultants, financial assistance, rent o lease expense at utility.
Ililipat naman ang naturang halaga sa MAIFIP ng DOH na may halagang P646.580 million at AICS ng DSWD na may halagang P646.579 million
“The Committee on Appropriations decided to recommend a reduced budget for the Office of the Vice President and the reduction shall be split by the DSWD-AICS Program and the DOH-MAIFIP Program. So ipapaliwanag ko lang po na ang decision na ito ay isang committee decision. Ang Committee on Appropriations has 139 members and with respect to the budget cut of the OVP, ito po ay naging unanimous decision among the members…Kami naman po ang committee on Appropritions recommended P733,198,000,000 which means mayroong cut of P1,293,159,000.” Sabi ni Quimbo
Paliwanag ni Quimbo, batay na rin sa lumabas sa budget hearing ng OVP, mababa ang utilization rate ng pondo para sa implementasyon ng kanilang social services.
Kaya minabuti ng komite na ilipat na ito sa mismong ahensya na nagpapatupad ng programa.
Maaari pa rin naman aniyang ipagpatuloy ng OVP ang pagpapaabot ng social services at tulong, ngunit kailangan na aniya nila kunin ito sa mismong ahensya.
Ganito rin naman aniya ang ginagawa ng mga kongresista at senador pag nagbibigay ng ayuda sa mga constituents.
“So ang sabi namin, why don’t we just transfer the funds for financial assistance to the national government agencies na subok na subok na it doesn’t mean na mababawasan ang pagtulong ng OVP. Ang sinasabi lang po natin is ililipat lang natin doon sa mga ayensya ngayon at pwede nang kunin ng OVP ang allocation nila doon mismo sa DSWD at DOH kadulad po ng ginagawa ng Congress at Senate.” Dagdag ni Quimbo
Paglilinaw pa ni Quimbo, hindi pa ito ang pinal na pondo ng OVP. Iaakyat pa kasi aniya ito sa plenaryo at maaari pang mabago.
Maaari din aniya na iba ang maging bersyon ng Senado maliban pa sa paguusapan din aniya ito sa bicameral conference committee.
“Lilinawin ko hindi pa ito final approval ng Congress. Meron pa tayong plenary debates. And pagkatapos po mapadala ang House version of GAB to the Senate, magkakaroon siyempre ng Senate deliberations. After ma-approve ang Senate version, meron pang bicameral meeting. After that, magkakaroon pa po ng ratification meaning babalik pa po yan to both Congress and the Senate. After that, magkakaroon pa po ng President’s approval because as you know the President can veto and ang veto po is pwede po on a line item basis. In other words, ganoon po kahaba ang proseso ng ating budget approval, budget process at malinaw po na napakarami po ang tao na involved dito sa pag-apruba ng budget, hindi lang po dalawang tao.” Diin pa ni Quimbo. | ulat ni Kathleen Forbes