Kumpiyansa si Senate Majority Leader Francis Tolentino na mas mataas na ang tiyansa na maaprubahan sa Senado ang panukalang pagbabalik ng Mandatory ROTC sa kolehiyo.
Ito ay dahil aniya nagbigay na ng go signal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na madaliin na ang pagtalakay sa panukala, makaraang maipaliwanag sa kanya ang layunin nito.
Ayon kay Tolentino, ibig sabihin nito ay muling sisimulan ang deliberasyon sa panukala sa plenaryo ng Senado matapos ang isang buwang break ng Kongreso.
Naniniwala ang senador na ang kailangan na lang resolbahin ng mga senador ay ang probisyon kung dapat bang gawing isa o dalawang taon ang programa.
Mungkahi ng mambabatas, ang pwedeng gawin ay ang unang taon ay ilaan sa basic course, habang advanced training naman sa ikalawang taon.
Para naman sa mga kadeteng gustong ituloy ang pagsasanay, pwede tayong maglaan ng Executive ROTC curriculum.
Naaprubahan na sa Kamara ang panukalang ito habang sa Senado ay nasa period of interpellation na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion