Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2568, o ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) bill.
Bumoto ang lahat ng mga senador pabor sa pag-apruba sa panukala (23-0-0 vote) na layong i-institutionalize ang ETEEAP at mabigyan ito ng kinakailangang pondo para sa implementasyon sakaling maisabatas.
Sa pamamagitan ng panukala, tutulungan ang mga working professional na hindi pa nakakumpleto ng kanilang college education na magkaroon ng degree sa pamamagitan ng mga non-traditional na pamamaraan.
Dito ay itatatag ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program.
Paliwanag ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Labor chairman Senador Joel Villanueva na sa pamamagitan ng panukala ay lahat ng work experience, formal, informal, and non-formal learning ng isang tao ay magkakaroon ng katumbas na puntos o “credit” para makakuha ng angkop na bachelor’s degree o mas mataas pa sa loob ng mas maikling panahon.
Sinabi ni Villanueva na sa tulong ng panukalang ito ay target na mahigitan pa ang 3,000 na graduates kada taon na nakakatapos sa programa.
Layon rin aniyang tiyakin na mas dumami ang mga paaralan at kursong magpapatupad ng ETEEAP, mula sa kasalukuyang 110 private at public educational institutions target na maipatupad ito sa 472 educational institutions.
Inaasahan din na magkakaroon ng ETEEAP Center of Excellence at Center of Development sa bawat rehiyon.| ulat ni Nimfa Asuncion