Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong bigyan ng VAT refund ang mga dayuhang turista sa bansa.
Sa botong 20 na Senador ang pabor, isa ang tutol at walang abstention, aprubado na sa Senado ang Senate Bill 2415.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means chairperson Sen. Sherwin Gatchalian, layon nitong makahikayat ng mas maraming dayuhan na bumisita sa Pilipinas, gumastos sila sa ating bansa at bumili ng ating mga produkto.
Inaasahang makalilikha ang panukalang batas na ito ng mula P3.3 billion hanggang P5.7 billion na kita kada taon para sa Pilipinas mula 2024 hanggang 2028.
Nakikita ring makakagawa ito ng hanggang 7,000 trabaho kada taon hanggang 2028.
Tutol naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa panukalang VAT refund.
Para kay Pimentel, magreresulta lang sa tax leakages ang panukala at sa bisa nito ay ipamimigay lang natin sa mga dayuhan ang nasa P4 billion na mga buwis na binabayaran ng mga Pilipino.
Para aniya maging epektibo ang panukalang ito, kailangang magkaroon ng matatag na mekanismo ang bansa para malaman ang paggasta ng mga dayuhang turista at ang VAT na binabayaran nila.
Tiniyak naman ni Gatchalian na anuman ang revenue loss mula sa pagpapatupad ng ipinapanukalang batas na ito ay mapupunan din ng inaasahang pagtaas ng paggasta ng mga dayuhang turista.| ulat ni Nimfa Asuncion