Nag-aapply na ngayon ang Presidential Anti Orgranized Crime Commission (PAOCC) ng panibagong search warrant sa compound ng na-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga para maimbestigahan ang sinasabing burial site ng mga dayuhan doon.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na may mga lumapit kasi sa kanila na witness na nagsasabing may mga binaong foreign nationals na pinatay sa Porac POGO hub.
Para kay Cruz, malakas ang dahilan para imbestigahan ang claim na ito dahil magkaibang mga testigo na hindi magkakakilala ang may parehong sumbong sa kanya.
Kaya naman kumukuha na ang PAOCC ng court order para masimulan ang paghuhukay sa sinasabing pinaglibingan sa mga biktima.
Sinabi rin ng opisyal na nakipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang mga embahada at nakakuha na sila ng listahan ng mga missing person.
Dito aniya nila ibabase ang impormasyon sakaling may mahuhukay silang katawan sa itinuturong burial site. | ulat ni Nimfa Asuncion