Kumpiyansa si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. na mapipigilan ang tumataas na kaso ng motorcycle theft sa bansa.
Ito ay matapos lumagda sa isang kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa interconnectivity ng kani-kanilang mga information and communications technology (ICT) system.
Ayon kay Abalos, ang pagsasanib-puwersa ng PNP at LTO ay mahalaga, lalo na ngayong umaabot na sa 30,000 kada taon ang mga kaso ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa buong bansa.
Tiwala si Abalos na mas mapapabilis nang malalaman ng mga awtoridad kung nakaw o hindi ang isang motorsiklo.
Sa pamamagitan ng kanilang partneship, maaari nang i-verify at ma-access ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa ICT system ng LTO ang record ng mga motorsiklo na kasalukuyang iniimbestigahan o inilagay sa alarma.
Sabi ng kalihim, magtatalaga ng pulis mula sa PNP-HPG sa LTO Command Center upang mas mapabilis ang pag-verify sa mga kinakailangang impormasyon. | ulat ni Rey Ferrer