Nagsasagawa na ng pagbabago ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang polisiya para maisama sa kailangang inspeksyunin ng kanilang mga tauhan ang mga maglalayag na pribadong yate.
Natanong ito ni Senate Minority leader Koko Pimentel kasunod ng isiniwalat ni dating Mayor Alice Guo na yate ang unang sinakyan nila para makalabas ng Pilipinas.
Sa budget hearing ng DOTr ngayong araw, sinabi ni PCG chief Admiral Ronnie Gil Gavan sa kasalukuyan kasi nilang memorandum circular tungkol sa pre departure inspection, ang mga tinatawag na non-common carriers o mga pribadong sasakyang pandagat ay hindi kasama sa pag-iinspeksyon ng ahensya.
Noon pa aniyang taong 2009 nailabas ang regulasyon na ito.
Dahil dito, kasalukuyang nirerebisa ng PCG ang kanilang kautusan para masakop na rin ng predeparture inspections ang mga pribado at non-commercial vessels.
Target ng PCG na maipatupad na ito sa susunod na buwan o sa Oktubre.
Aminado si Gavan na may mga kailangan pa silang gawin para mapabuti ang pagbabantay sa borders ng Pilipinas at maiwasan na ang ginawa nina Guo na pagpuslit palabas ng bansa.
Patuloy rin aniya silang makikipag-ugnayan sa MARINA para makagawa at makapagpatupad pa ng mas mainam na mga regulasyon.| ulat ni Nimfa Asuncion