Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na kinailangang lisanin ng BRP Teresa Magbanua ang Escoda Shoal matapos ang mahigit limang buwang pag-deploy dito dahil sa ilang kritikal na dahilan.
Sa pahayag ni Commodore Jay Tarriela, ang PCG spokesperson for the West Philippine Sea, kinailangang pansamantalang iwanan ng nasabing barko ang Escoda shoal dahil sa masamang panahon, gayundin ang pagkaubos ng mga kinakailangang suplay nito kasama pa ang pangangailangan ng medical evacuation para sa ilang tripulante.
Bukod pa rito, ang nasirang bahagi ng barko matapos itong banggain ng China Coast Guard noong Agosto 31, na lalong nagpahirap sa kakayahan ng barko na manatili sa lugar.
Kinikilala rin ng PCG ang dedikasyon ng mga opisyal at tripulante ng BRP Teresa Magbanua at pinuri ang kanilang katapangan at propesyonalismo sa pagbabantay sa mga maritime interest ng Pilipinas sa kabila ng iba’t ibang hamon.
Muling namang tiniyak ng PCG ang kanilang paninindigan sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea kasama ang Escoda Shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award.
Wala namang nabanggit ang PCG kung kailan muling babalik ang BRP Teresa Magbanua o may ipapalit na barko sa Escoda Shoal. | ulat ni EJ Lazaro