Patuloy pa rin ang pagtitiyak na isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, partikular sa lugar ng Bajo de Masinloc.
Nitong Septyembre 26, 2024 lamang, nagsagawa ng pagpapatrolya ang PCG vessel na BRP Suluan (MRRV-4406) sa lugar. Dito, nagkasa ng radio challenge ang barko ng Pilipinas sa ilang mga malalapit na sasakyang-pandagat dito kabilang ang MV Maersk Keelung at MV Wu Gu Feng, habang minamanmanan ang presensya ng dalawa pang barko ng China Coast Guard (CCG).
Maliban dito, tinulungan din ng BRP Suluan ang isang fishing banca na FBCA Kian na nakaranas ng aberya sa makina, bilang suporta sa mga lokal na mangingisda roon, at tsaka ito hinila patungo sa kalapit na karagatan ng Subic, Zambales.
Isa lamang ang nasabing PCG operation sa pagsisikap nito na protektahan ang mga Pilipinong mangingisda at tiyakin ang kaligtasan sa West Philippine Sea.| ulat ni EJ Lazaro