Opisyal na inilunsad ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbubukas ng ika-25 National Maritime Week at ika-29 na National Seafarers Day sa isang kaganapan ngayong araw, September 22, na isinagawa sa PCG National Headquarters sa Port Area, Manila.
Kapwa pokus sa tema ng parehas na selebrasyon ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng kaligtasan sa dagat.
Sa opening ceremony, binigyang-diin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, ang pagsusumikap at dedikasyon ng mga marinong Pilipino. Ayon sa kaniya, mahalagang itaguyod ang kultura ng kaligtasan sa loob ng mga organisasyon upang masiguro na ang bawat marino ay ligtas na makakauwi matapos ang kanilang mga paglalayag. Dagdag pa niya, ang ganitong pagsusumikap sa kaligtasan ay magbibigay inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga propesyonal sa larangan ng maritime.
Binanggit din ni Admiral Gavan ang mga mahahalagang kontribusyon ng mga stakeholder sa maritime sa pagpapabuti ng mga pamantayan ng kaligtasan sa industriya.
Kaugnay din nito, iba’t ibang aktibidad din ang ikinasa ng PCG sa buong linggo, kabilang ang mga maritime forum, seminar, at coastal clean-ups, na magpapatuloy hanggang Septyembre 29, 2024. Layunin ng mga kaganapang ito na itaguyod ang kaligtasan at kamalayan sa kapaligiran sa mga propesyonal sa dagat at sa komunidad. | ulat ni EJ Lazaro