Naglabas ng babala ang Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong kaugnay ng bagong modus operandi ng isang loan shark na nagpapautang kapalit ng isinanlang pasaporte.
Ayon sa mga ulat, isang dating OFW na ngayo’y loan shark ang nanghihingi ng mga pasaporte ng mga nangungutang na OFW bilang kolateral para sa kanilang mga hiniram na pera may patong na malaking interes—na umaabot sa apat na beses ng orihinal na halaga ng utang.
At kahit pa nabayaran na ang utang, hindi pa rin ibinabalik ng nasabing loan shark ang mga pasaporte ng mga OFW na nangutang sa kaniya.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Konsulado, ang loan shark na ito ay kasalukuyang nagpapatakbo mula sa Pilipinas gamit ang mga digital platform tulad ng Alipay at iba pang digital wallets.
Habang nagpaalala rin ang Konsulado sa mga OFW na ang kanilang mga pasaporte pasaporte ay pag-aari ng pamahalaan ng Pilipinas at hindi dapat gamitin bilang kolateral dahil umano ito sa New Passport Act. Habang pinapayuhan naman ang mga biktima na agad mag-report sa Assistance-to-Nationals Section ng Konsulado sa mga numero at email na makikita sa official Facebook page ng Philippine Consulate in Hong Kong. | ulat ni EJ Lazaro