Magkasamang inilunsad ng Pilipinas at Indonesia ang commemorative logo nito para ipagdiwang ang ika-75 anibersaryo ng kanilang kapwa ugnayang diplomatiko.
Taglay ng nasabing logo ang tagline na “PILIPINAS-INDONESIA SA IKA-75: Pagkakaibigan. Persahabatan. Friendship” kung saan tampok ang mga maalamat na mga ibon ng dalawang bansa—ang Sarimanok ng Pilipinas at Garuda ng Indonesia—na kapwa nakabalot sa mga kulay ng kani-kanilang watawat. Makikita rin sa logo na numerong “75” na kinulayan ng asul na sumisimbolo sa langit at ang mataas na ambisyon ng dalawang bansa.
Gagamitin ang logo sa iba’t ibang aktibidad ng dalawang bansa na layong magpalakas pa ng kanilang ugnayan.
Mula nang itatag ang relasyon ng Pilipinas at Indonesia noong Nobyembre 24, 1949, naging magkatuwang na ang dalawang bansa sa pag-unlad, na pinagbubuklod ng parehong hangarin at pangako para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon. | ulat ni EJ Lazaro