Iginiit ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada na sapat na ang hawak na ebidensya ng Pilipinas para iakyat sa International Court ang mga aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Reaksyon ito ng senador matapos ang panibagong insidente kung saan ilang beses sadyang binangga ng China Coast Guard (CCG) ang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
Ayon kay Estrada, sapat na ang basehan para gumawa ang ating bansa ng agarang ligal na aksyon para mapanagot ang China sa patuloy at lumalala nilang mga agresibong aksyon.
Paulit-ulit na aniyang inilalagay ng CCG sa panganib ang buhay ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa kanilang gawi.
Binigyang-diin ng senador na malinaw itong paglabag sa International Maritime Law at sovereign rights.
Sinabi pa ni Estrada na walang karapatan ang CCG na kwestiyunin ang presensya ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal dahil nakapwesto ito sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion