Magkasanib-pwersa na isasagawa ng armed at defense forces ng mga bansang Australia, Japan, New Zealand, Pilipinas, at Estados Unidos ang ikaapat na Multilateral Maritime Cooperative Activity sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone ngayong araw, Setyembre 28.
Layon ng pagsasanay na ipakita ang kolektibong dedikasyon ng mga kalahok na bansa upang palakasin ang rehiyonal at pandaigdigang kooperasyon para sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Magkatuwang na kikilos ang mga yunit pandagat at panghimpapawid ng Australia, Japan, New Zealand, Pilipinas, at Estados Unidos upang pahusayin ang kooperasyon at interoperability sa pagitan ng mga kapwa sandatahang lakas. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang aktibidad na ito ay isasagawa alinsunod sa international law at may paggalang sa kaligtasan ng paglalayag at karapatan ng ibang mga estado.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni General Romeo Brawner Jr., Chief of Staff ng AFP, na ang aktibidad na ito ay nagpapakita ng kanilang pinagsama-samang pangako sa pagpapanatili ng freedom of navigation and overflight, pati na rin ang pagrespeto sa mga karapatan sa dagat batay sa international law, gaya ng nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ito na ang ikaapat na pagkakataon na isinagawa ang nasabing Multilateral Maritime Cooperative Activity, nito lamang Pebrero ngayong taon isang kaparehong exercise din ang ikinasa ng Pilipinas at Estados Unidos kung saan kapwa naglayag ang mga sasakyang pandagat nito sa EEZ ng bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni EJ Lazaro