Ipinanawagan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa United Nations General Assembly sa New York, United States ang mga reporma sa multilateralismo upang tugunan ang mga pandaigdigang krisis at makamit ang mga layunin nito tungo sa kaunlaran.
Sa kanyang pahayag, inulit nito ang panawagan ng mga lider ng iba’t ibang bansa na i-renew ang agenda ng UN kasunod ng pag-adopt sa “Pact for the Future,” na nakatutok sa paglaban sa mga isyu gaya ng pagbabago ng klima, kaguluhan sa Ukraine, Gaza, at Sudan, hindi pagkakapantay-pantay, at iba pa.
Binanggit din ni Manalo ang matibay na pangako ng Pilipinas sa international law, at binigyang-diin ang kahalagahan ng UN sa pagsusulong ng kapayapaan, lalo na sa rehiyon ng Asya-Pasipiko. Gayundin din ang nagpapatuloy na posisyon ng bansa hinggil sa West Philippine Sea, na nakasang-ayon sa UN Charter at sa Manila Declaration on the Peaceful Resolution of Disputes sa paggigiit sovereign rights at jurisdiction nito sa South China Sea.
Hindi rin kinalimutan ng Kalihim sa kanyang talumpati ang panawagan sa mga mauunlad na bansa na tuparin ang kanilang mga climate commitment na nakapailalim sa UN Climate Change Convention at Paris Agreement.
Maliban sa paglahok sa high-level meetings sa UNGA, ilang bilateral meetings din ang isinagawa ni Sec. Manalo kasama ang mga lider ng mula sa 46 na bansa kabilang ang Nepal, Estonia, Madagascar, Latvia, Bhutan, Turkmenistan, Nicaragua, at marami pang iba. | ulat ni EJ Lazaro