Hindi lang isa kung hindi tatlong nominasyon ang nasungkit ng Department of Tourism (DOT) na bansa mula sa kilala at prestihiyosong Asia’s Best of Best Awards.
Kabilang sa tatlong nominasyon na natanggap ng DOT ay para sa Best Marketing Campaign dahil sa kampanya nitong “Love the Philippines,” Best in Service para sa Tourist Assistance Call Center, at isa para naman kay Secretary Christina Garcia Frasco para sa Best Woman Leader.
Ipinahayag ni Frasco ang kanyang pasasalamat sa mga natanggap na nominasyon ng kanyang ahensya kung saan binibigyang-diin ang kagandahan at mainit na pagtanggap sa Pilipinas. Ayon sa kanya, ang mga nominasyong ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng buong sektor ng turismo sa bansa.
Para makaboto, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng Asia’s Best of Best o sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code na nasa Facebook page ng DOT. Nananatiling bukas ang pagboto hanggang sa ika-30 ng Setyembre 2024.
Iaanunsyo ang mga nagwagi sa Asia’s Best of Best Awards sa darating na Nobyembre 9, 2024, sa Dubai, UAE. | ulat ni EJ Lazaro