Nakatakdang simulan sa Sept. 21-22 ang pilot implementation ng digital transaction ng Land Transportation Office para sa renewal ng driver’s license sa Taiwan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inaasahang makikinabang rito ang nasa 400 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan kung saan 200 slot ang para sa Taichung habang 200 din sa Kaohsuing.
Bahagi pa rin aniya ito ng bilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, na dalhin sa ibang bansa ang digital services para sa kapakanan ng mga kababayang OFWs.
Sa tulong nito, hindi na kailangang maghintay pa ng pag-uwi sa Pilipinas ang mga OFWs para mai-renew ang kanilang mga lisensya dahil pwede na nila itong gawin malapit sa kanilang mga pinagta-trabahuhan at tinutuluyan sa Taiwan.
Ang Manila Economic and Cultural Office (MECO), na siyang punong abala para dito ay na-screen na ang mga aplikanteng OFW.
Sa pag-renew ng mga lisensya, sinabi ni Assec Mendoza na ang mga requirement ay:
• Lisensiyang malapit nang mag-expire sa loob ng animnapung (60) araw, o nag-expire sa loob ng dalawang (2) taon mula sa petsa ng pag-expire, at walang pagbabago sa talaan bago mag-renew
• Active LTMS (tinutukoy bilang “LTO Portal”) account na may biometric profile ng OFW na naitala
• Online CDE certification na kinuha mula sa LTO Portal
• Medical certificate mula sa LTO-accredited na telemedical facility
• Maasahang internet connection
• Smartphone na may Apple AppStore o Google Play Store na naka-install.
Kapag nabayaran na ng OFW ang renewal ng lisensya, iisyu na ng LTO ang lisensya at ipapaalam sa kanya kapag handa na ito para sa shipping.
“The transaction time to complete the renewal process can be completed in as fast as one (1) hour provided that the OFW has applied coinciding the office hours of LTO, comparable to the total processing time of a walk-in applicant as cited in the Citizen’s Charter,” Assec Mendoza.