Sa mosyon ni Antipolo Rep. Romeo Acop, vice-chair ng Quad Comm ay inatasan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na alamin kung saan nagmula ang drug list noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Acop, batay sa impormasyon ay may tatlong magkakaibang bersyon ang listahan.
Nakapaloob dito ang pangalan ng ilang mga personalidad kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan at maging pambansang pulisya.
Sabi pa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chair, nais din nila malaman kung ano ang ginawang validation process sa pagsasama ng mga pangalan sa naturang listahan.
Gusto rin aniya nila malaman kung may koneksyon ba ang listahan na ito sa posibleng extra judicial killings.
“That’s why gusto namin na-ibestigahan ng NBI itong drug list na ito. Number one, saan galing. Number two, anong validation process ginawa nila. Number three, sino-sino itong mga personalities na ito. Dahil kung mabigat itong mga personalidad na ito, there must be some overwhelming evidence na magsasabi na talagang sila ay involve. Kasi hindi ganoon din kadali gumawa ng sinasabing drug list. During the time of the former President Duterte, kung natatandaan ko, mga ganyang kakapal.” ani Barbers.
Kinumpirma naman ni Barbers na isa sa mga lokal na opisyal na nasa naturang listahan, na si dating Iloilo Mayor Jed Mabilog ay sumulat sa Quad Comm na nais niyang humarap para linisin ang kaniyang pangalan.
Una na ring humarap sa komite ang tinaguriang “poster boy” ng war on drugs na si Col. Jovie Espenido na aminadong ikinadismaya ang pagkakasama sa drug list.
“Noong umpisa, Your Honor, Mr. Chair, mag-question ako sa sarili ko, bakit? Kaya sa testimonya ko kanina, one-time sinabihan ko sila President Duterte at saka si Sen. Bato, si Chief PNP Bato at the time na, “Bakit isinali nyo ako? Sabihan nyo lang ako kung hindi nyo gusto para hindi ako malagay sa alanganin na ilista nyo ako,’” pagbabahagi niya sa komite noong humarap siya noong Agosto 28.
Inihalimbawa din nito ang dating konsehal na si Ricardo “Cano” Tan na naisama sa listahan ngunit kalaunan ay tinanggal nang walang maaayos na dokumentasyon.
“Your Honor, Mr. Chair, hindi documented yun kasi usap-usap lang kami ni Presidente.” Tugon ni Espenido sa interpelasyon ni Abang Likod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano
Dahil dito nakwestyon ni Paduano ang proseso ng pagkakasama at pagkakaalis sa naturang drug list. “I just want to establish na yung PRRD list, ganun lang kabilis. Maybe we have to check, because PDEA, we have to check it. DILG, we have to check it because ganun lang kabilis pwedeng tanggalin without proper documentation…If that is that fast that Tan was delisted, eh magdududa na po tayo na yung paglalagay doon sa PRRD list medyo napakabilis din.” sabi ni Paduano. | ulat ni Kathleen Jean Forbes