Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na humihimok sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magsagawa ng information drive at kampanya upang mapataas ang kamalayan ng publiko tungkol sa leptospirosis.
Sa isang press briefing na ginanap sa MMDA Head Office sa Pasig City, inihayag ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, na sa pamamagitan ng MMDA Regulation No. 24-003 series of 2024 pinagbabawalan na ang mga bata at matatanda na lumangoy at maglaro sa tubig-baha.
Ayon kay Artes, maaaring magpasa ang bawat LGU ng kanilang sariling mga ordinansa at multa para sa mga lalabag sa regulasyong ito.
Karaniwang tumataas ang mga kaso ng leptospirosis tuwing tag-ulan, lalo na kapag may mga bagyo at pagbaha sa maraming bahagi ng National Capital Region (NCR).
Pinayuhan naman ni Health Undersecretary Dr. Gloria Balboa ang mga LGU na tiyakin ang maayos na pagtatapon ng basura, pagpapanatili ng kalinisan, at pagkontrol sa mga daga sa kanilang mga lugar upang maiwasan ang leptospirosis. | ulat ni Diane Lear