Aabot na sa ₱107.42-million ang halaga ng pinsalang idinulot ng pananalasa ng habagat at ng magkakasunod na bagyong Ferdie, Gener, at Helen sa sektor ng agrikultura.
Sa inilabas na assessment report ng DA-DRRM Operations Center, as of September 18, kabilang sa mga may napinsalang sakahan ay mula sa Mimaropa, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Katumbas ito ng higit 1,646 na ektarya ng agricultural areas o production loss na 4,749 metriko tonelada.
Pinakaapektado pa rin ang rice sector na aabot sa higit 1,536 ektarya o katumbas ng ₱98.34-milyong halaga ng pinsala.
Kaugnay nito, aabot naman sa 1,327 na mga magsasaka ang naapektuhan ng kalamidad.
May mga napinsala ring high value crops, at livestock.
Tuloy-tuloy naman ang validation at assessment ng DA sa pinsala sa agriculture at fisheries sector para agad ding matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisdang apektado.
Kabilang dito ang pamamahagi ng binhi, financial assistance, Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at indemnification mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC). | ulat ni Merry Ann Bastasa