PNP, handang ibigay ang kustodiya kay dating Mayor Alice Guo matapos ilipat sa Valenzuela ang kaso nito mula sa Tarlac

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakaantabay lamang ang Philippine National Police (PNP) sa anumang magiging desisyon ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) sa kasong graft laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo matapos katigan ng Korte Suprema ang naging kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat sa Metro Manila ang kaso ni Guo buhat sa Capas, Tarlac.

Ayon kay Fajardo, wala namang epekto sa kanila ang naging desisyon ng High Tribunal dahil ang trabaho nila ay tiyakin ang seguridad ni Guo habang ito’y nasa kanilang kustodiya.

Subalit binigyang-diin ni Fajardo na ang may hurisdiksyon kay Guo ay ang Korte kaya’t susundin nila ang anumang ipag-uutos nito.

Dagdag pa ni Fajardo, bailable offense naman ang kasong graft na isinampa laban kay Guo kaya’t maaari siyang pakawalan ng PNP sa sandaling maglagak na ito ng piyansa.

Gayunman, walang garantiya ang kalayaan para sa dating alkalde dahil mayroon pang outstanding warrant of arrest laban sa kaniya mula sa Senado na “valid and existing” pa hanggang sa kasalukuyan. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us