Inalerto ng Philippine National Police (PNP) ang Bureau of Immigration (BI) sa posibleng pagtatangka ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na lumabas ng bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo,
sa ngayon ay wala pang indikasyon na nakaalis ng bansa si Roque, base sa mga intelligence report.
Kaya aniya mahigpit na binabantayan ng PNP sa tulong ng iba’t ibang ahensya ang mga posibleng gamiting exit point.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang paglikha ng mga tracker team para isilbi ang arrest order ng House Quad Committee kay Roque, matapos itong tumanggi na isumite ang mga dokumentong hinihingi sa kanya.
Nanawagan naman si Fajardo kay Atty. Roque na respetuhin na lang ang legal na proseso dahil walang nakakaangat sa batas. | ulat ni Leo Sarne