Pinaplantsa na ng Philippine National Police (PNP) ang magiging latag ng seguridad sa pagbiyahe kina Pastor Apollo Quiboloy at sa apat na kapwa akusado nito sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 bukas.
Ito, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, ay dahil sa inaasahan nilang pagdagsa ng mga tagasunod ni Quiboloy sa korte ng Pasig para magpakita ng kanilang suporta rito.
Kaya naman, sinabi ni Fajardo na pinaghahandaan na nila ang pagbasa ng sakdal kina Quiboloy sa Pasig para sa kasong Qualified Human Trafficking.
Paliwanag ni Fajardo, itinuturing nilang malaking hamon ang magiging ganap bukas kaya’t minarapat nilang paghandaan ito.
Samantala, iniulat din ni Fajardo na inihirit na ng CIDG sa Pasig RTC na gawin na lamang ding “video conference” ang pagbasa ng sakdal kina Quiboloy gaya ng gagawin ng korte sa Quezon City. | ulat ni Jaymark Dagala