Manipulado ang polvoron video na ipinakalat sa mismong araw ng nagdaang SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang lumabas sa findings ng AI experts mula sa Deepfakes Analysis Unit na bahagi ng India-based Misinformation Combat Alliance.
Gumamit umano ang mga nasa likod ng polvoron video ng tool na SensityAI at nakitaan ang ginawang manipulasyon ng ‘face swap’ bukod pa sa ginamitan din ang video ng tool na Hive.
Napag-alaman na mismong fact checker na Vera Files ang nagpadala ng video sa India-based misinformation advocate para masuri ang video na itinaong ipinakalat sa huling State of the Nation Address (SONA) ng Chief Executive nitong nakaraang Hulyo.
Kaugnay nito’y sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez na lumalabas na vindicated ang Pangulo mula sa aniya’y mga malisyosong indibidwal na pilit na nagtatangkang siraan ang Presidente at wasakin ang kaniyang reputasyon
Nagpaalala din si Secretary Chavez sa publiko na mag-ingat sa mga malisyosong video at mga post sa social media na ikinakalat ng masasamang loob.
Sa panahon aniya ngayon ng mga troll, bot, at deepfake ay madali nang magpakalat ng paninira laban sa isang indibidwal. | ulat ni Alvin Baltazar